Hindi sa lahat ng oras, may kasayahan, walang problemang
alalahanin at walang katawang mapapagod. Hindi sa lahat ng oras, palagi kang masaya,
walang mararamdamang sakit at walang tutulong pawis dahil sa pagod. Sa buhay
natin sa mundong ito, kailangan nating maghirap, magpagod at magbanat ng buto
upang makamit ang hinahangad sa buhay at ang kasaganaang nais na makamtam. Ngunit, sa buhay hindi mawawala
ang mga problema, suliranin at mga pagsubok. At sa mga
pagsubok na dumarating sa buhay, kailangan nating magpakatatag at
harapin ito ng buong tapang. Ang mga pagsubok at suliranin sa buhay ang siyang
susubok sa ating katatagan.
Katulad
ng nakasaad sa kwentong “Mensahe ng Butil ng Kape,” ang unang ibinigay na
halimbawa ng ama sa kanyang anak ay ang carrot.
Doon sinasabi na sa umpisa ay
matigas ito at matapos ilagay sa
kumukulong tubig ay biglang lumambot.
Maihahalintulad ito sa isang tao na matapang, malakas , ngunit ng dumaan ang
matinding pagsubok, hindi na kinaya at pinanghinaan ng loob. Minsan, sa ating
buhay, hindi mawawala ang pagkakataon na manghihina ang loob at sinasabing
“hindi ko na kaya”. Hindi dapat tayo panghinaan ng loob sapagkat ,kapag
nanghina ang ating loob na harapin ang
problema, mas lalong dadami at bibigat ang mga suliraning darating.
Sa
pangalawang halimbawa na ibinigay ng ama sa kaniyang anak ay ang itlog, na sa una’y malambot ngunit nang
ilagay sa kumukulong tubig ay naging matigas ang laman. Ito ay maihahalintulad
sa katangian ng tao na sa una’y mabuti ang kalooban, mabait at mayroong
pang-unawa ngunit nang dumaan ang pagsubok sa buhay biglang naging matigas ang
kalooban at naging sarado ang isipan para pakinggan ang iba. Totoong ang mga
pagsubok ang huhubog sa ating pagiging matatag at ang mga suliranin o pagsubok
sa pamilya, sa mga mahal sa buhay ay ang mga suliraning lubos na mabigat. At
kung ang mga mahal natin sa buhay ang nakapagdulot ng suliranin, kailangan din
nating buksan ang ating puso at isipan upang pakinggan sila at patawarin.
At ang
pangatlong halimbawa naman ay ang butil
ng kape na kung saan nang mailagay sa kumukulong tubig ay nakapagbigay nang
karagdagang sarap at nakapagdulot ng kasiyahan. Sa tao, ito ay maihahalintulad na kapag dumaan ang pagsubok,
gumawa ka o mag-isip ng magandang solusyon
sa problema, na kung saan matapos ang pagsubok ay naging maganda ang
kinahinatnan at nakapagpabago ng buhay. At sa pagharap sa pagsubok kailangang
maging matatag ang kalooban, hindi madaling manghina sa pagharap nito. Minsan,
sumasabay na lamang ang iba sa agos ng buhay, kung saan sila dalhin ng ihip ng
hangin at makuntento na lamang sa buhay, ngunit hindi dapat maging ganito.
Kailangang tumayo at gumawa ng pagbabago para sa ikabubuti ng ating sarili at
nang mga tao na nakapaligid sa atin.