Lunes, Nobyembre 14, 2016

Repleksyong Papel Tungkol sa Mensahe ng Butil ng Kape

                Hindi sa lahat ng oras, may kasayahan, walang problemang alalahanin at walang katawang mapapagod. Hindi sa lahat ng oras, palagi kang masaya, walang mararamdamang sakit at walang tutulong pawis dahil sa pagod. Sa buhay natin sa mundong ito, kailangan nating maghirap, magpagod at magbanat ng buto upang makamit ang hinahangad sa buhay at ang kasaganaang nais  na makamtam. Ngunit, sa buhay hindi mawawala ang mga problema, suliranin at mga pagsubok. At sa  mga  pagsubok na dumarating sa buhay, kailangan nating magpakatatag at harapin ito ng buong tapang. Ang mga  pagsubok at suliranin sa buhay ang siyang susubok sa ating katatagan.
                Katulad ng nakasaad sa kwentong “Mensahe ng Butil ng Kape,” ang unang ibinigay na halimbawa ng ama sa kanyang anak ay ang carrot.  Doon sinasabi na sa umpisa ay matigas  ito at matapos ilagay sa kumukulong tubig ay  biglang lumambot. Maihahalintulad ito sa isang tao na matapang, malakas , ngunit ng dumaan ang matinding pagsubok, hindi na kinaya at pinanghinaan ng loob. Minsan, sa ating buhay, hindi mawawala ang pagkakataon na manghihina ang loob at sinasabing “hindi ko na kaya”. Hindi dapat tayo panghinaan ng loob sapagkat ,kapag nanghina  ang ating loob na harapin ang problema, mas lalong dadami at bibigat ang mga suliraning darating.
                Sa pangalawang halimbawa na ibinigay ng ama sa kaniyang anak ay ang itlog, na sa una’y malambot ngunit nang ilagay sa kumukulong tubig ay naging matigas ang laman. Ito ay maihahalintulad sa katangian ng tao na sa una’y mabuti ang kalooban, mabait at mayroong pang-unawa ngunit nang dumaan ang pagsubok sa buhay biglang naging matigas ang kalooban at naging sarado ang isipan para pakinggan ang iba. Totoong ang mga pagsubok ang huhubog sa ating pagiging matatag at ang mga suliranin o pagsubok sa pamilya, sa mga mahal sa buhay ay ang mga suliraning lubos na mabigat. At kung ang mga mahal natin sa buhay ang nakapagdulot ng suliranin, kailangan din nating buksan ang ating puso at isipan upang pakinggan sila at patawarin.

                At ang pangatlong halimbawa naman ay ang butil ng kape na kung saan nang mailagay sa kumukulong tubig ay nakapagbigay nang karagdagang sarap at nakapagdulot ng kasiyahan. Sa tao,  ito ay  maihahalintulad na kapag dumaan ang pagsubok, gumawa ka o mag-isip  ng magandang solusyon sa problema, na kung saan matapos ang pagsubok ay naging maganda ang kinahinatnan at nakapagpabago ng buhay. At sa pagharap sa pagsubok kailangang maging matatag ang kalooban, hindi madaling manghina sa pagharap nito. Minsan, sumasabay na lamang ang iba sa agos ng buhay, kung saan sila dalhin ng ihip ng hangin at makuntento na lamang sa buhay, ngunit hindi dapat maging ganito. Kailangang tumayo at gumawa ng pagbabago para sa ikabubuti ng ating sarili at nang mga tao na nakapaligid sa atin.

Mensahe ng Butil ng Kape (Buod)

Mensahe ng Butil ng Kape (Buod)


                Narinig ng magsasaka ang pagrereklamo ng kanyang anak na lalaki  tungkol  sa hirap na nararanasan nito sa pagbubungkal ng lupa. Tinawag nang magsasaka ang kanyang anak at pinapunta sa kusina. Nilagyan ng ama an tatlong palayok ng tubig at isinalang sa apoy. Sa unang palayok, inilagay ng ama ang carrot, sa pangalawa ang itlog, at sa pangatlo naman ang butil  ng kape. Makalipas ang ilang minute, pinatay ng  ama ang apoy at pinalapit ang anak. Hinikayat nang ama na damhin ang carrot at hatiin ang itlog ,at sabihin kung ano ang napansin ng anak. Napansin ng anak na ang matigas ng carrot ay lumambot at naging buo at matigas naman ang itlog.Inutusan ng ama ang kanyang anak na inumin ang kape ,ngunit nagtanong ang anak kung bakit. Pinaliwanag ng ama ang pinagdaanang proseso ng carrot, itlog, at nang butil ng kape. At matapos maipaliwanag ng ama, tinanong niya ang anak kung alin siya sa carrot, itlog, at butil ng kape. Tumugon ang anak  at sinabing siya ay magiging butil ng kape.